“KASAYSAYAN NAMING MAG-ANAK”

KABANATA

(1)

1. Bago ko po ipagpatuloy KGG. DIYOS LOLO, ANGEL LORENZO, ang aking mga salaysay sa napakaraming naganap na mga pangyayari dito po sa Iyong KAPATIRANG ANG LITAW NA KATALINUHAN, LOHIYA BUKANG LIWAYWAY NOS.1-32; ay hayaan Mo pong malaman muna ng mga babasa nito, ang aking talambuhay at mga karanasan sapul pagkabata hanggang sa matagpuan at tuloy napasama dito sa KALK, LBL. No.1, Pililla, Rizal; Lalawigan ng Rizal, Kapuluang Pilipinas, sa pamumuno ni Gg. Mateo Lozano.

2. Ako po ay isinilang dito sa Brgy. Takungan Daang Teodora A. Alonzo, Pililla, Rizal; taong 1936, Marso 25.

3. Ang Ama ko po ay Antero Libao ang pangalan. Taga Marcelo H. Del Pilar St. Brgy. Tandang Kutyo Tanay, Rizal.

4. At ang Ina ko po naman ay si Gng. Maria Paz ang pangalan. Taga Pililla, Rizal. Na ayon po sa Lilang Titay ko ay sa may Daang Wawa, unang nanirahan. At ng maging asawa siya ng Lilong Biyo ko, Eusebio Andayo Paz ang pangalang tunay, ay dito po nakapagbahay sa solar na namana ng Inang ko at namana ko naman at ng aking mga anak.

5. Lima kaming magkakapatid; si Pilahiya Libao, ang panganay. Ako pong si Ireneo Libao ang sumunod, si Permina Libao ang ikatlo, si Marcelina Libao ang ika-apat at si Anselma Libao ang ika-lima. Ang una, ikatlo at ika-lima kong mga kapatid wala pang tig-iisang taon ay namatay na. Dahil wala pang duktor sa Pililla, Rizal at karatig bayan. Wala ring Hospital dito sa Pililla, Rizal noon. At ang mga manggagamot dito ay karaniwan ng mga albularyo lamang. Gayunman, tunay na ang may hawak ng buhay ng tao ay ang Banal na Lumikha.

6. Namulatan kong ang Lilang Titay ko at Tiyo Peto ko, Perfecto Paz ang tunay na pangalan. Kapatid ng aking Ina, magkakasama kaming lahat na isang pamilya sa bahay naming nakatirik sa lupa ng aking Ama’t Ina sa Teodora A. Alonzo St., ngayo’y Milendres St. Brgy. Takungan, Pililla, Rizal.

7. Noong taong 1942, ay pumasok ako sa unang baytang ng mababang paaralan. Pitong taon ang edad at ang Pambansang awit ng Pilipinas ay pinalitan ng wikang Hapon- ang “Odaro Osahi nohi gari O avite—”. Ito’y mahaba-haba rin, pero kinakanta namin noon sa iskwelahan ay hindi namin naiintindihan ang kahulugan.

8. Minsan ay mayroon kaming guro na Hapones, hindi naman laging pumapasok; subalit, marami ang gurong babaeng Pilipina na guro namin.

9. Nang panahong ito ng Hapon, dito sa Pililla, Rizal, may mabait ding Hapones at may salbahi rin naman.

10. Kahit mga bata lamang kami, pag di kami sumaludo ng yukung-yuko sa mga gwardyang Hapones na nasa “CENTRY” nila sa gilid ng sangang daan, lalo pag gabi ay sinasabihan kami ng “KURA” at lumalapit sa amin at inuumangan kami agad ng kanilang baril, nakatutok ang dulo ng baril nilang may bayoneta sa dulo nito na nangingintab.

11. Noong mga taong ito’y napakaraming Hapones sa bayan ng Pililla, Rizal kahit sa mga bundok, nadaraanan namin at nakikita. Pag papunta naman kaming magkakasama sa palayan sa pag-aani ng palay sa Sitio, San Lorenzo, Sitio Libir, sa Tumihaya, sa Kigiral at kahit sa Sitio, Ragatan; na, pawang kalat ang mga hapon sa bayan ng Pililla, Rizal.

12. At ang simbahan ng Iglesia Apostolica Romana dito sa Pililla, Rizal, ay ginawang “HEAD-QUARTER” ng mga Hapon. Kaya wala ng mga pare na nagmisa rito. At ito rin ang pinagkulungan o sonahan ng mga Hapon sa mga taong bayan ng Pililla, Rizal, babae’t lalaki, hindi kasama ang mga bata at matatanda na, mahihina na. Naganap ito nang taong 1943, ng tangkaing pagpapatayin nila ang mga taong bayan at lahat ng mga mamamayan ng Pililla, Rizal.

13. Nang taon ding ito, may isang sundalong Hapon, biglang pumasok sa bakuran namin at hinabol ang isang inahing manok namin na maraming akay na sisiw at binalibag ng kaputol na kahoy at ng tamaan ay nangisay at namatay.

14. Ang Lilang Titay ko kahit matanda na at baluktot na rin kung lumakad, ay hinabol ang Hapong iyon at sinaway. Ngunit, hawak na ng Hapon ang inahing manok at binabayaran naman ng limang pisong perang Hapon ay ayaw tanggapin ng aking Lilang Titay.

15. Kaya’t sinabi ko sa aking Lilang Titay: “Lilang, tanggapin mo na po baka saktan po kayo ng Hapong iyan”.

16. Ayaw pa rin pumayag ang Lilang ko, hindi naman sila magkaintindihan; kaya’t ako na ang kumuha sa limang piso ng Hapon at sinenyasan kong, “Sige po umalis na kayo.”

17. Umalis ang Hapon na tuwang-tuwa naman na tinignan-tignan ang hawak niyang inahing manok na mataba.

18. Nang mga panahong itong ako’y batang magwawalong taon; grade two, ay napakahilig kong makinig sa mga matatanda ng iba’t-ibang magagandang kwento; gaya ng mga awit at koridoIbong AdarnaJaime Del PradoDon Juan Tinyoso, siete infantes de Lara, Higantillo, Mahika Blanca, Trispiko ang La, Campaña de Jesus sa Sanctisima Trinidad. Mga kwentong nagtuturo ng pagiging mabuting tao para kaawaan ng Panginoong Diyos at gantimpalaan Niya ng anumang magagandang bagay na magiging kasiyahan niya. Noo’y wala pang radiotelevision o kaya’y cell phone na mapapanooran o mapapakinggan.

19. Inusisa ko sa Inang ko at sa Lilang Titay ang buhay ng aking Amang Antero Libao at Tiyo Peto ko noong binata pa sila.

20. Ayon sa kanila, ang Tiyo Peto ko noong binata pa siya, ay laging kasama sa palabas na sarswelang moro-moro at laging siya ang mahal na hari.

21. At ang Tiyo Peto ko at aking ama noong binata pa sila ay magkaibigang matalik. At ang hanap-buhay nitong huli ay magkaingin sa bundok. Sapagkat, silang anim na magkakapatid, pagtatanim ng mga halaman sa dalawampu’t apat na Hektaryang lupang pag-aari ng Lilang Imang (Guillerma Berdan). At, asawa niyang si Lilong Pitu (Agapito Libao). Ayon sa matandang titulo na iba pang lupang pag-aari na nasa pangalan nilang mag-asawa ay mayroon pa silang dalawampu’t tatlong hektaryang lupa sa Masanting karatig ng Brgy. Sampalok. Na, dati’y ang mga ito’y pag-aari ng bayan ng Pililla, Rizal, o sakop. Na alam naman ng dalawang bayang ito ang kasaysayan. Ang hindi lamang alam ng lalong nakararami ay kung paano nasakop ng bayan ng Tanay, Rizal, ang malaking bahagi ng lupang kapatagan at kabundukang dati’y pag-aari ng bayan ng Pililla, Rizal.

22. Ang Tiyo Peto ko nama’y mahusay at mabilis magtanim ng palay; kaya nga’t malimit masuyo ng may malalaking saka sa Pililla, Rizal at sa mga karatig na bayan, hanggang sa Bagumbong na baryong sakop ng Morong, Rizal. At bukod dito’y marunong din siyang gumawa ng takong ng sapatos ng babae.

23. Ayon sa Inang at Lilang ko, ay malimit pumunta sa kanila ang ama ko noong binata pa siya. Kaya’t ang pagiging magkaibigan nila ng Tiyo Peto ko ang naging daan upang maligawan ang Ina ko, noong dalaga pa siya.

24. Hindi naglaon at naging magkasintahan sila at nagpakasal sila sa pari ng Iglesia Apostolica Romana; sa edad na labing anim na taon ang Ama ko, ang Ina ko nama’y labing walong taon.

25. Natuto na ring gumawa ng takong ng sapatos ng babae ang aking Ama at sila ng Tiyo Peto ko ay marami na ring labrador ng takong at mga babaeng magkakalis nito.

26. Ang silong ng bahay namin ang gawaan ng takong, kaya’t laging masaya sa lugad namin; maraming mga binata at dalaga ang gumagawa ng takong ng sapatos. May dalawang hasag kung gabi kaya’t maliwanag, dahil ng mga panahong ito’y wala pang kuryente sa bayan ng Pililla, Rizal.

27. Madalas pag nasa amin ang mga kapatid ng Ama ko, sila’y marunong tumugtog ng gitara, lalo na ang Tiyo Tino(Florentino Libao) na, siyang napakahusay tumugtog ng kanyang gitara. Na, ang may uwido at mahusay kumanta ay nagpapailanglang ng kanilang magagandang tinig kaya’t inspirado ang lahat sa kanilang ginagawa. Naroon ang biruan, ang tawanan, kurutan at may ligawan pa na kahit sa mga titig ng kanilang mga mata ay nagkakaunawaan. Kaya’t karamihan ng naging mag-asawa ay mga magkakalis at labrador ng takong. Tuloy ang lugad namin ay napabantog sa paggawa ng takong ng sapatos ng babae at tinawag na, “BARANGAY TAKUNGAN”.

28. Ang mga yaring takong ay sa Binyang Laguna idinidiliber ng aking Ama, minsan naman ay ng Tiyo Peto ko, minsan naman ay sa ilang suki nila sa Maynila o kaya’y sa Maypulo Bulacan.

29. Malungkot naman ang naging kapalaran ng Lilang Titay ko. Ayon sa sabi niya, tungkol sa kanyang panganganak ay labing tatlong beses siyang nakunan, na nagpapasalamat na rin siya sa Panginoong Diyos at pinagkalooban ng kahit dalawang anak lamang na buhay, isang lalaki’t isang babae.

30. Ang Tiyo Peto at Lilang Titay ko na nagisnan ko sapul sa aking kamusmusan ay kasambahay namin ay walang suwerte sa pag-aasawa. Sabi ng Lilang ko nabalo ang Tiyo Peto ko noong taong 1937, namatay sa panganganak, yao’y taga-Talim Island, sakop ng Binangonan, Rizal.

31. Hindi nagtagal nagkaasawa ulit ang Tiyo Peto sa isang babaeng taga-Tanay, Rizal. Anghela ang pangalan niya, ngunit hindi pa nakapapanganak ng panganay ay nahuli na ng Tiyo Peto ko sa kanilang silid na nakikipagtalik sa isang lalaking nagngangalang Lupo Tibay, taga Brgy. Takungan, Gen. Luna St. Pililla, Rizal, na mayroon ding asawa.

32. Kaya’t ang payo ng Lilang Titay sa Tiyo Peto ay isauli ang asawa niyang taksil; sa kanyang mga magulang. Kahit nagpupuyos ang kalooban niya sa sama ng loob ay isinauli ng Tiyo ang asawa niyang naturan sa mga magulang nito at sila’y tuluyang nagkahiwalay. Na di niya pinitik man lang.

33. Kaya’t nanligaw uli ang Tiyo Peto at nagkaroon ng panibagong kasintahan. Ang pangalan ay Petra Omido na isa ring taga-Tanay, Rizal. Nang sila’y handa ng magsama sa isang bubong upang maging mag-asawa, nakursunadahan naman ng Medyor ng ROTC Guerilla na si Iskong Bigas kung tawagin sa palayaw (Francisco Ilocso Aquino). Taong 1942, ng gabutin nina Iskong Bigas ang magiging asawa sana ng Tiyo Peto, ngunit sapilitang isinama ng pangkat ni Iskong Bigas at dinala sa bundok at siya ang naging tunay na asawa ni Iskong Bigas.

34. Makalipas ang isang taon, isang araw samantalang nagkukutsero ang Tiyo Peto ko, galing Tanay, Rizal, pauwi ng Pililla, Rizal, pagtapat sa sangang daan ng Mabini St. at Teodora A. Alonzo St. ay pinatigil ni Cresencio Dikit, ang karetela namin at sapilitang pinababa at sinabing gustong makausap ni Medyor Francisco Aquino at sila’y maraming mga Guerilla na tauhan ni Iskong Bigas ang gumapos at nagpahirap sa kanya, dinala sa bundok at pinatay. Ang nakakita at nakarinig ay kasamahan din nilang Guerilla na nagsalaysay sa aking Ina ay kamag-anak din nilang Marcos Ledesma ang pangalan.

35. Pagdating sa kabilang karsada, Jose, Rizal St. Sa Imatong na kasunod na barangay, mga isang daang metro ang agwat ay ginapos na nina Cresencio Dikit at mga kasamahan niya at pinagtulakan nila papuntang bundok at pinagpilitang isilid sa isang malaking sako. Ganito ang kanilang ginawa.

36. Katunayan nga, sabi sa akin ng asawa ng aking kapit-bahay na hindi naman gaanong kalayuan kong kamag-anak; Tiyo Kiko ang tawag ko sa kanya, ng dumaan sa kanilang kaingin sa Matagbak ay binati pa niya ang kanyang kaibigang Isko(ang katukayong Medyor), matapos niyang pakainin ang grupong yaon ng mga Guerilla, ay binati pa niya ang laman ng sako at gagalaw-galaw; “Pare ano iyang nasa sako?” ang sagot sa kanya ni Iskong Bigas, “Pare, aso iyang aming kakatayin, pulutan,” at huli na ng malaman niya na iyon pala’y ang kanyang pinsang Peto. Ngunit, ang dalawang nakakita at nakaalam ay tapos na ang ikalawang digmaang pandaigdig ng malaman ng aming Pamilya.

37. Mahigpit ang parusang iginawad nila sa Tiyo Peto ko bago tuluyang pinatay nila, samantalang gaya rin nila na guerilla rin ang Tiyo Peto na nasa panig nga lamang ng USAFE.

38. Ang Tiyo Peto rin ang pinaghukay ng sarili niyang libingan. Pagkatapos ay pinukpok nina Cresencio Dikit ng kaputol na kahoy hanggang sa mamatay. Nabasag ang bungo sa kanilang ginawang “crimin”, taong 1942, ng maganap ang mga pangyayaring ito.

39. Mula noon hanggang humigit-kumulang sa sampung taon ay lagi kong nakikitang magkaharapan ang Lilang Titay ko at aking Ina na umiiyak.

40. Noong 1942, ay buhay pa ang aking Amang Antero Libao at balitang-balita na dudukutin din nina Iskong Bigas ang aking Ama. Ngunit, hindi inintindi ni Ama ang masamang balitang iyon. Hindi man nagsisimba sa Iglesia Apostolica Romana na kagaya ng Lilang ko at aking Ina, ay tuloy ang pagkakalesa ng aking Ama at paggagawa ng ilang takong. Sinabihan pa nga ang aking Ina; “Huwag kang matakot, ako nama’y tumatawag sa Panginoong Diyos na Makapangyarihan sa lahat, kahit hindi ako nagsisimba.”

41. Tuluy-tuloy pa rin sa pagpapagawa ng takong ang aking Ama at tuloy din sa pagkakalesa pag naibigay na sa mga manggagawa ng takong ang pidido.

42. Ang kabayo at kalesa ni Ama’y tinamaan niya sa loteria ng ripa sa Binyang Laguna sa halagang diez centimos lamang. Sabi ng Inang ko pinagbigyan lamang ng Ama ko ang nagbigay sa kanya ng tiket na kanyang suki sa takong at natatandaan kong noong panahong iyon ay hindi pa ako nag-aaral sa Grade One.

43. Tandang-tanda ko rin noong maaksidente si Ama sa tapat ng “Pantion” ng Pililla, Rizal, nag-alma ang kabayo niyang puti; na, parang may kinatakutan, kaya’t nagtatakbo ng wala sa ayos, dahil duo’y natanggal ang isang goma sa yantas ng gulong sa kaliwa ng kalesa at ng bumaba sa karsada ang Ama ko at pinipiit ang kabayo ay nagulungan ng bakal ang ibabaw ng kanyang paang kanan at kitang-kita kong natalop ang laman ng ibabaw ng kanyang paang kanan; lumaylay ang laman at lumitaw ang buto. Ng gumaling ay tuloy din ang pagtatakong. Isinama pa nga ako sa Maynila minsan at sumakay kami sa “trambiya;” na kundi ako nagkakamali ay may riles ng “trambiya” sa daang Barcelona Binondo, Manila mula Azcaraga.

44. Nagkalesa uli si Ama ngunit medyo pilay na ang paglakad niya; datapuwa’t ng taong ding ito 1943; ayon sa aking Ina, isang gabing nakakain na kami at sa paghihintay kay Ama ay nakatulog na kaming lahat. Ngunit, ng maghahating-gabi na’y nagulantang si Ina, may narinig siyang humahagok sa labas ng salas; bilis-bilis siyang bumangon at sabi niya sa loob niya’y “Baka kabayo namin iyon a—!” pero ng lumabas siya’y nakita niyang si Ama’y hubad baro at nakahiga sa sahig na kawayan at humahagok.

45. Humingi siya ng tulong sa pinakamalapit na kapit-bahay at pasigaw na sinabi niya “Kuni, Kuni, Isperanza…! tulungan ninyo ako…!” mabilis namang dumating ang mga tinawag at iba pang kapit-bahay, marami ang dumalo, ngunit wala na silang nagawa. Anya’y kolebra iyon, ayon sa mga albularyo, namuo ang lamig sa dibdib ni Ama at ito ang kanyang ikinamatay. Labing-isang taon lamang silang nagsama ni Ina.

46. Kaya napuno ng kalungkutan ang buhay namin at noon ko lamang naunawaan ang sinasabing malungkot ang maulila sa Ama; bagama’t ako’y bata pa. Kaya, apat na lamang kaming natira: Ako, ang kapatid kong si Celing, ang Lilang ko at aking Ina.

47. Wala na ang masasayang mga kabinataa’t kadalagahan na tinutugtugan ng Tiyo Tino Libao sa saliw ng mga naggagandahang himig ng kanyang gitara, samantalang naglalabra ng takong ang mga lalaki at nagkakalis naman ang mga babae. Wala na rin ang maliwanag na ilaw ng dalawa naming hasag na minsa’y naglalagablab, minsan nama’y lumalabo pag kakaunti na ang “kerosene” nito at tulung- tulong naman silang mga lalaki upang paliwanaging muli.

48. Wala na rin ang kalesa naming may magandang pintura; ang halinghing ng kabayo naming si puti; na minsa’y pumapadyak sa kabalyaresa, na ito’y kinuha na ng may gusto; dinala ng mga MAKAPILI at ginamit na sakayan ng mga kargada ng Hapon at dinala kung saan.

49. Gayunma’y, hindi nasiraan ng loob ang Ina ko at aking Lilang Titay. Natuto si Ina na umangkat ng hipon at ayungin sa punduhan ng bangka ng nanghuhuli nito sa baybayin ng “Laguna Lake” at sunong sa ulo niya ang bakol ay inilalako sa bayan ng Pililla, Rizal at kahit maliit ang tubo ay nakakalibre naman kami sa ulam.

50. Madalas namang sumasama ang aking Ina sa Lilong Ili, Lilong Berto at sa Tiyo Idong. Lakad lamang, sunong ng aking Ina ang kanyang bakol papuntang Siniloan, Laguna mula Pililla, Rizal, humigit kumulang sa limang oras ang lakad. Sila’y namimili noon ng niyog, saging, o ano mang prutas na kayang dalhin at ipinagbibili dito sa Pililla, Rizal, ang iba nama’y pagkain namin.

51. Ang Lilang Titay ko nama’y naglalala noon ng sumbrero at banig na sabutan na inaalit namin ng Inang ko sa aming sabutanan na nasa isang lagay na lupang pag-aari ng Lilang Titay ko (Apolinario Mabini St. Int. Brgy. Takungan, Pililla, Rizal; ngayo’y M. Casas St. na ang pangalan ng “Municipal Road” na ito). Na, ang lupang ito’y kinamkam ni Anghel Aliwalas at kanyang mga anak; na, nag-aasunto kami buhat pa noong 1986. Na, labis ko ring ikinalungkot, noong 1991, ay natalo ako sa Trial Court at wala pang 15 araw ay naisampa ko na sa Court of Appeal. Ito’y 1925 pa, ng mabili ng Lilang ko. At peke ang mga papeles ng kumamkam nitong solar namin ay nanalo pa sa Trial Court. Diyos na lamang ang hinihingan ko ng tulong.

52. Datapuwat ang solar naming ito sa Teodora A. Alonzo St. Brgy. Takungan, Pililla, Rizal, na nabili ng Ama ko’t Ina sa mag-asawang Gregorio Sta. Ana, Taga-brgy Imatong, Pililla, Rizal, ay mayroong 811 metrong parisukat, tinaniman namin ng Lilang ko ng palay, kamote, mais, sitaw, saluyot at iba pa, na nakunan namin ng pagkain, kaya’t nakaraos din kami sa araw-arawang si

sa tulong at awa ng Panginoong Diyos na Makapangyarihan sa lahat, kahit mahirap ang buhay, lalo na’t mahirap o dukha noong panahon ng hapon.

53. Ano pa’t ng mga araw na yao’y, hindi nagtagal, nagulumihanan ang lahat sa bayan ng Pililla, Rizal, pagkat noong magtatapos na ang taong 1943, ay di na pinapasok kaming mag-aaral sa “Pililla Elementary School.”

54. Ito ang ikinabalisa ng mamamayan, sapagkat sa buong araw at gabi, sa daang “National Road,” daang Apolinario Mabini ay kitang-kita noon at ng bayan ng Pililla, Rizal; na libu-libo ang mga taong dumadaan palakad, sari-sari ang hitsura, babae, lalaki, matanda at bata, may kanya-kanyang dala-dalahan at mga balutan. May pilay, may sakit, may dinuduyan, may umiiyak, may kargang bata, tao na di makalakad, ang malaking karamihan ay lakad na puno ang karsada ng mga taong dumaraan.

55. Parang walang katapusang prusisyon ang dami ng mga taong iyon; may mga gusgusin at may maayos ang pananamit ng ilan. Ngunit, mas marami ang gulo ang buhok at suot na damit. Mayroon ding mga Ita, Mangyan, Dumagat, mga lalaking nakabahag at mga babaeng mahihinuhang asawa ng mga ito, may suot na palda sa ibaba. Ngunit, may mga nakasabit sa dibdib nilang damit na may sakay na mga sanggol mga kulot ang buhok pero matataba naman at ang iba’y katamtaman.

56. Halos lahat ng uri ng mga Pilipino ang nakita kong humuhugos, mga taong iyon na totoong napakarami na nangagsidaan sa karsadang A. Mabini, na hihigit sa dalawang Linggo, araw at gabi, laging puno ang naturang karsada, tuluy-tuloy.

57. Mahihinuhang mula sa Maynila, Mandaluyong, V. Mapa, Rosario, Marikina, Pasig, Taytay, Cainta, Angono, Binangonan, Cardona, Morong, Baras, Tanay at ang mga iba pang mga nasa bulubundukin. Sila’y patungong lalawigan ng Laguna, Jala-Jala, Rizal, Bayugo, Cambingan, Talim Island at sa mga iba pang bahagi ng Laguna Lake. Dahil inisip nilang magaling sa gilid ng Lawang Laguna, makapangingisda pa at di malayo sa mga kabundukan na maraming tanim na mga halaman gaya ng mais, niyog, kamote, langka, bayabas, palay, lima-lima at sa tabi ng Lawang Laguna ay libreng manguhol o manuliya kahit sino; iyan ang bulung-bulungan ng mga tao. Kaya’t duon, bumakwis ang napakamaraming mamamayan ng naturang mga bayan upang mabuhay sa pamamagitan ng mga kalikasan likha ng Panginoong Diyos.

58. Dahil sa ganitong kalagayan, natakot ang lahat at nangamba na maaaring danasin ang kapighatiang dulot ng ikalawang digmaang pangdaigdig, kaya’t ipinag-utos na rin ng mga Hapon na namumuno sa Pililla, Rizal. Gaya ni Captain Tanaka, Captain Indo at iba pang mga Opisyal; na dapat na ring bumakwis ang mga taga-Pililla, Rizal. Sapagkat, noo’y maigting na ang dogfight ng eroplano ng Hapon at eroplano ng Kano.

59. Narinig na rin noon ng mga taong bayan hindi lang sa Pililla, Rizal; kundi, sa Laguna at karatig na bayan ay pinasasabog na ng mga guerilla ang mga tulay upang huwag ng makaraan ang mga Trak ng Hapon.

60. Ang karamihan sa mga taga-Pililla, Rizal, ay sa pulo ng Talim bumakwis, Ithan at Janosa; na, ang pulong ito’y nasa gitna ng Laguna de Bay ay sakop ng dalawang bayan ng Cardona, Rizal at Binangonan, Rizal, na mayroong mga tatlumpung barangay o higit pa.

61. Ang mga matatanda namin at magpipinsan ay nagsanggunian at nagkaisang duon sa Bayugo bumakwis na Baryo ng Jala-Jala, Rizal; sa dahilang duon nakatira ang isa sa mga anak ng Lilang Tunang na kapatid ng aking Lilang Titay. Na, duon ay tahimik, napakaraming guerilla at walang nakararating na hapon.

62. Naghanda kaming lahat ng mga dadalhin sa pagbakwis. At ang mga “shelter” sa silong ng bahay namin ay hindi rin lubos na maaasahang makapagligtas, dahil pabigla-bigla ang dating ng mga eroplano ng magkabilang panig, sa himpapawid ay napakadelikado sa mga mamamayan at minsa’y minamasinggan ang mga Hapon sa bayan.

63. Kinabukasan, umagang-umaga pa lamang ay naglakad na ang grupo namin. Ang dala ko ay isang arenola, isang salop na bigas at isang inahing manok na nakatali sa aking pingkahang kawayan. Ang aking Ina naman ay akay ang kapatid kong si Celing at nagtaka ako noon, parang mahina siya lumakad; iyon pala’y sa beywang ng aking Ina ay nakabidbid ang telang makapal; na, naglalaman ng maraming platang mamiso ng perang kano, na naipon nila ng Ama ko sa pagkakalesa at pagtatakong.

64. At ang aking Lilang Titay palibhasa’y matanda na rin sa edad na animnapu’t walong taon, medyo buktot na ring lumakad at hirap sa mahabang lakad, ay sakitin pa ang tiyan, dahil madalas siyang magutom sa “kakukulasyon” kahit may kakainin ayaw kumain. Pagkagising sa umaga. Iyon ay aral sa Iglesia Apostolica Romana, ang matibay na pagtitika at pakikiramay sa hirap ng Panginoong Jesucristo; na ito’y ginaganap araw-araw hanggang sa makapakinabang “yaong pagsusubo ng pari ng ostya sa kanila walang alak (dugo), matapos makapangumpisal mga alas diez na ng umaga saka pa kakain.”

65. Sa unang araw ng paglalakad ng aming grupo, ay sa tabing dagat ng Bulo-Bulo, na sakop pa rin ng bayan ng Pililla, Rizal, kami unang humimpil. Pero abot pa rin kami ng eroplano ng Kano pag nagmamasinggan, kaya patakbo-takbo kami.

66. Kinabukasan ng umagang-umaga, ay umalis kami agad sa Bulo-Bulo. Sapagkat, nagseseling ang nagdadaang eroplano kahit bituwin, o bilog na pula ang nakatatak sa ilalim ng pakpak. Napakahirap pala ng gayon walang nagtatanggol sa lumilikas na taong bayan, mabuti na lamang at walang tinamaan ng bala sa grupo namin kahit ang mga iba’y nagtakbuhan sa mga puno ng kawayan at tinakpan ng mga salakot nila ang kanilang katawan.

67. Sa ikalawang araw, umaga pa lamang ay lakad na naman ang grupo namin at palibhasa’y mahihina na lumakad ang mga matatanda namin ay sa karatig Baryo lang kami humimpil, iyon ay Niyugan, sakop pa rin ng bayan ng Pililla, Rizal. Nakitulog ang grupo namin sa silong ng bahay ng isang mag-asawang Juancho, sila ay kapuwa may magandang kalooban.

68. At ng gabi ring iyon ay dumating ang Tiyo Jose Izon kabiyak ng Tiya Goring na anak ng Lilang Tunang at pamangkin ng Lilang Titay ko. Na, may dalang bangkang malaki rin. Duo’y isinakay nila ang mga matatanda; ang Lilang Tunang, Lilong Berto, Lilong Into, Lilang Irinea, Lilang Titay at kapatid kong si Celing edad limang taon na iyakin.

69. Ang mananagwan ay ang Tiyo Jose, Tiyo Idong, ang malakas ang katawan, kabataan at sanay. Ayon sa kanila ay umaga na ng sila’y dumating sa Bayugo; na, awa naman ng Panginoong Diyos ay ligtas sila sa ano mang kapahamakan.

70. Samantalang kami namang nangaiwan ay umaga pa lamang ng ikatlong araw na iyon ay nagpasalamat kaming lahat sa may bahay na napakitulugan namin ang silong nila; na, kahit na ang mga iba sa amin ay naihian ng mga bata mula sa itaas ng bahay, pagkat sahig na kawayan ang sahig nito ay masaya naman kami at nagkatuwaan pa.

71. Ang dala kong isang arenola, isang salop na bigas at isang inahing manok ay isinakay na rin sa bangka ng Tiyo Jose, kaya maginhawang-maginhawa na ang paglalakad ko noon.

72. Kaming mga magpipinsang mga bata; si Adorascion Paz Gipulan, Maxima Rodrigues Lozano at ako, Irineo Paz Libao; masasaya kami sa paglalakad at panay ang daldalan dahil sa bagong tanawing noon lamang namin nakita ang ganda ng kapaligiran ng umaga lalo pa’t ang dapyo ng hanging Amihan sa aming murang katawan ay nadarama namin ng buong laya. At di namin naisip ang sinasabing pagtakas sa labanan ng dalawang panig, ay sinansala kami ng mga matatanda na huwag kaming masyadong maingay; na ang gawin namin ay magdasal at malakas anya tumawag sa Panginoong Diyos ang mga kabataan, na iligtas Niya kaming lahat sa ano mang kapahamakan.

73. Nang tumuntong na nga ang grupo sa itaas ng bayan ng Jala-jala, Rizal, ay nilapitan kami ng isang lalaking mataba na humigit kumulang sa limang talampakan ang taas niya. Mahaba ang balbas at mahaba rin ang buhok na kulot na parang inirolyo simula sa itaas pababa, pulahin ang mga mata niya, kayumanggi ang kulay ng balat at nakatatakot ang mukha niya, mabalasik.

74. Binurlahan kaming tatlo ng lalaking iyon at ang tanong sa aming tatlo ay ganito: “Mga taga-Pililla kayo ano? Puntong Pililla kayo, a…, mga taga-Wawa ba kayo?”

75. Sumagot agad ang Ama ni pinsang Siming, na si Gg.Antonio Lozano ang pangalan, palibhasa’y siya ay puntong Tanay, Rizal magsalita at sinabi niya: “Sa bandang Hulo po ang bahay namin at marami po kami rito na mga taga-Tanay, Rizal.” At nagtanong ulit ang nakatatakot na lalaki: “Mayroon ba sa inyo na taga-Pililla, na taga-Wawa?” Sumagot agad ang Tiyo Tonyo—, “wala po” At sinabi ng lalaki; “Sige lumakad na kayo”.

76. Habang lumalakad kami ay mahaba pa rin ang tingin ng lalaking mataba sa amin na may kasamang tatlong lalaking may mga dalang mahahabang baril; samantalang siya ay naka revolver lamang.

77. Medyo natakot kaming mga bata at natahimik kami, lakad na lang ng lakad. Sa wakas, hapon na rin, mga alas sais na kami ng dumating sa Bayugo. Naroon na rin ang mga sumakay sa bangka. Maraming kwento ang naisalaysay ng naging dalawang pangkat sa paglalakbay na iyon. At nalaman namin sa mga matatanda ang matabang lalaking yaon na mabalasik ay si Iskong Bigas ang Medjor ng ROTC guerilla. Na, nagpadukot at nagpapatay sa Tiyo Peto ko.

78. Dito sa Bayugo ay tahimik at ang hanap-buhay ng aking Ina ay pagtitinda rin ng ayungin, hipon, dalag at mga iba pang isda ang inilalako ng aking Ina sa mga taga-baryong ito ng Bayugo at kambingan; na inaangkat niya sa mga mandaragat sa tabing dagat ng baryong ito, na; sakop ng bayan ng Jala-Jala, Rizal.

79. At ako naman kahit walong taon pa lamang ay sumasama na noon sa mga Lilong Berto at Tiyo Idong sa pananakag ng ayungin; naghihila ng kadena ako at paggawa ng bunbun at pamamandaw, dito sa mga baybayin ng lawa katabi ng Bayugo ay kasama rin ako.

80. Sumasama rin ako noon sa paninima ng dalag sa ilog ng Bayugo at ng minsan ngang sumama ako sa pinsang Doring ay nakahuli ako, ang akala ko pa naman ay dalag na malaki na di gaanong masakam ng dalawa kong mga kamay at ng iyangat ko; ipinagmalaki ko pa naman kay pinsang Doring na naninima ng dalag sa katabi ko ay ng itaas ko na’y nakita kong puting-puti ang ilalim nito at itim ang ibabaw na mahaba na bumabaluktot at anyong kakagatin ako, iyon pala’y ahas na malaking mandadalag; kaya’t iwinaras ko agad, na ako at ang pinsan ko’y takot na takot kaya’t umalis kami agad sa ilog na iyon.

81. Noong unang dating namin sa Bayugo ay napakahirap ng buhay namin dito, pagkat nakikisulok lamang sa Tiya Goring; hustong dalawang tao lamang ang upuang tulugan naming apat ng Lilang ko, ng aking Ina at kapatid kong si Celing. Napakasikip na ay malamig pa; kaya’t, nagkasakit ang Inang ko ng Malaria.

82. Buti na lang at nakabili agad ng isang bahay-kubo, katabi ng lawang Laguna, katapat ng bahay ng Tiya Goring; sa halagang tatlong daang pisong perang Kano, sapagkat wala ng halaga noon ang perang Hapon. Sa kubong ito ay maluwag ang higaan naming apat ng Lilang ko, Inang ko, kapatid kong si Celing at ako; kaya lamang tuwing umaga ay sinusumpong ng sakit na malaria ang aking Ina; na nginig na nginig, nakayapos na ang Lilang ko sa aking Ina, si Celing at pati ako ay hindi namin mapigilan ang kanyang panginginig. At pag naman sumikat na

ang araw mga alas otso, ay nawawala na ang panginginig ng aking Ina. Kaya nga’t sari-sari ang mga gamot albularyo ang iginamot ay mayroon ding kulang-kulang sa isang taong tiniis ng aking Ina ang gayong karamdaman; sa loob ng isang taong itinigil namin sa bakwisan taong 1944. At mula rito sa Bayugo ay kita namin ng silaban ang bayan ng Pililla, Rizal, tanaw ang malaking usok.

83. At noong 1945, ay umuwi na kami sa Pililla, Rizal. Nakita naming parang kinaingin ang halos buong kabayanan ng Pililla, Rizal, ang mga haligi ng mga bahay nakatayo pa rin, ngunit; puro uling na lamang. Kaya nagbahay na lamang kami ng dampa. Gumawa pa nga muna ako ng bahay-bahayan, malaki-laki rin dahil husto rin naman kaming apat na natulog roon ng mga ilang araw. Ngunit nagpagawa ng dampa ang  aking Ina matapos ang isang Linggo, kitang-kita ang karukhaan namin, sala-salang sasag na buho ang dingding; ang mga haligi ay matigas dahil kahoy na mulawin, pero balu-baluktot naman, ang sahig ay kawayan, ang yerong ibinubong ay sunog na sunog, dahil nabagsakan ng bomba ang ika-apat na bahagi ng matandang bahay namin at pati mga yerong bubong nito ay sunog na sunog; ngunit, buo naman at makapal pa; kaya nga’t iniayos ang mga nayupi at ito na rin ang isinangkap ng karpentero.

84. Dahil sa malaking ukab o balong nalikha ng pagsabog ng bombang ibinagsak sa karsadang nasa gawing Hilagaan ng bahay namin dito sa Teodora A. Alonzo St. ay lumagpas pa sa karsadang ito pahalang ang balong nalikha na hindi kukulangin sa luwang na labing apat na metro at malalim pa. Sapagkat sa buong apat na taon; simula 1945, hanggang taong 1949, na ang naging Mayor ng bayan ng Pililla, Rizal na si Gg. Lucio Aquino ay totoong nahirapan ang mga taga-rito, dahil hindi man lamang napatabunan ang balong ito ng Punong-Bayan. Gayunman, ay waring may kasiyahan ding nadama ang ilan; sapagkat nilagyan nila ng balsang kawayan at ginawang labahan ng mga kababaihan.

85. Ngunit, naging malaking suliranin ito lalo na sa mga magdaragat na dumaraan dito; hindi maaaring walang ilaw. Ang pangamba nila ay baka madulas sila at mahulog sa balon, kaya laging nakalawit sa bintana namin ang ilawan naming kenke at lagi kong tinatabunan ang daan na madulas malapit sa gilid ng balon at dahil may ilaw ay nakakakapit sila sa dingding ng silong ng bahay namin at nakakabila ng walang pangamba. Bagay na ayon sa kanila, ay ikinasiya nila ang ginawa kong yaon kahit ako’y “Grade 3” lamang noon at bata pa.

86. Nitong mga taong 1945, naranasan ko ang makisama sa mga batang kalugad ko sa barangay Takungan pagpunta sa Rampol sakop ng barangay Bagong Bayan, upang makigaya sa maraming mga tao ng paghingi sa kampo ng Kano sa lugad na ito na nalilibot ng barbwire, katabi ng National Road gawing North, maraming pagkain ang mga sundalong Kano. Kaya’t maririnig ang pagmamakaawa ng mga matatanda’t batang naparoroon, ganito iyon; “Hi…! Joe please give me bread, pahingi naman…” na nakakura ang mga kamay, “Hi…! Joe give me sardines…” At marami pang ibang mga salitang maririnig sa paghingi sa mga Kanong iyon, na hinahagisan naman sila ng mga Kano at agawan ang mga bata at matatanda at ang mabilis at malakas ay siyang nakaaagaw ng mas marami kaysa iba.

87. Naranasan kong makihingi ng isang maliit na sardinas na lapad na masarap ang lasa kaysa mga sardinas ngayon at ng sumunod na pagsama ko ay bukas na latang Hekaido naman ang aking natikman. Sabagay, mahirap man ang manghingi sa sundalong Kano sa kanilang kampo, ay maraming sa tingin ko ay nasayahan. Ngunit, naisip ko na nakaka-awa at nakakahiya ang ayos namin doon. Kaya’t may

dalawang beses lamang akong nakasama sa kapuwa ko bata, kasi; may masungit na Kano, naninigaw at masamang tumingin sa mga taong nakapalibot sa kanilang bakod na barbwire na nakalahad ang mga kamay; talagang nakakahiya. Kung magbigay ay pahagis at pagalit na talagang nakakahiya; parang naghahagis sa mga aso. Minsa’y nagmumura, English na slung ang sabi pag naghahagis ng pagkain sa mga tao: “SHITGODDAMN!”

88. Samantalang ng mga panahong itong kararating lamang namin sa sarili naming bayan mula sa bakwisan, ay pagtitinda pa rin ng ayungin, hipon, biya, isdang tabang na nahuhuli ng mga magdagat sa Laguna Lake, ang itinitinda ng aking Ina. Nakararating pa siya sa bayan ng Antipolo, dahil naipagbibili niya ng lansakan o inaangkat naman sa kanya ng mga suki niyang tindera ng isda.

89. Ngunit, humigit kumulang sa dalawang buwan ang lumipas, ay niyakag ang Lilang Titay ng mga pinsan niyang taga-Wawa, Pililla, Rizal, na duon sa Otis, Pandacan, Maynila, maglako ang Inang ko ng mga hipon, ayungin, biya at kahit ng mga iba’t-iba pang uri ng isda. Sapagkat napakabili ng mga iyon duon; mahal pa at malaki ang kikitain ng Inang ko. At dahil sa mga paliwanag na ito’y nakumbinsi ang Inang at Lilang Titay ko.

90. Kaya’t sumama kami sa kanila at ang nasakyan naming trak ay six by six (pagkat mahirap ang biyahe ng mga panahong iyon “1945”). Sa Mandaluyong ay sira pa noon ang tulay, kaya sa lugad na ito’y bumaba na kami, sa kung tawagin ng mga tagapagtawid ay bote; na, patikin lamang at hindi sagwan ang gamit nila. Nakita naming napakalinaw ng ilog na ito ng Mandaluyong, kahit hulugan ng maliit na diez centimos ay kitang-kita sa kailaliman at parang masarap maligo pag ganoong kalinaw ang tubig. Ngunit, makalipas ang mga ilang taon, hanggang ngayon maitim na ang tubig at napakabaho pa.

91. At sa makalampas ng ilog ay maraming mga jeep na nakaparada na naghihintay ng pasaheros. Sumakay kaming mag-anak sa jeep, pati ang mga Tiyo Bino, Tiya Tinay at Ina nila, ang Lilang Nanang hanggang sa bahay nila sa Otis. At sa kanila kami pansamantalang nanuluyan, sa loob ng tatlong buwan. Ngunit, noon ay palistahan na ng mga batang mag-aaral sa mababang paaralan sa buong kamaynilaan, kaya’t hindi mapalagay ang Inang at aking Lilang Titay.

92. Tinanong ako ng Inang at Lilang ko, kung saan ko ibig magpatuloy ng pag-aaral, kung gusto ko sa Maynila magpatuloy o sa Pililla, Rizal, Elementary School. Ngunit tumanggi akong sa Maynila mag-aral; sa matuwid ko sa kanilang; “May nakita akong isang batang lalaki, kasing laki ko diyan po sa tapat ng poso” at itinuro ko sa kanila ng aking hintuturong kanan, “diyan po, naroon pa nga po ako ng pagsusuntukin ng limang bata ang isang bata na kasinglaki rin naman nila, bagsak na po at duguan na po ang mukha ay sige pa rin po ang pagsuntok nilang lima, wala pong kaawa-awa. Marami po palang salbaheng bata rito sa Maynila. Ayaw ko po rito Inang mag-aral; paano Lilang kung may magalit sa aking bata na barkadahan at gawin nila sa akin ang nakita ko sa kaawa-awang batang iyon? Doon po sa atin sa Pililla, Rizal, ang salbaheng bata sa akin ay si Herminio Maranan, anak ng Tiya Angge lamang ang umaaway sa akin at madali ko na pong iwasan iyon, parang laging kinakatuwaan niya akong kutusan at burlahin; hindi tulad po ng mga bata rito barkadahan at pag may binugbog ay halos patayin po. At sa tingin ko po, mababait ang mga bata sa atin kaysa rito sa Maynila.”

93. Kaya nagpasya na silang mag-ina na dito na kami ng

kapatid kong si Celing magpatuloy ng pag-aaral, sa Pililla Elementary School. Sabagay, ang buhay namin dito sa Otis ay maginhawa. Sa pagtitinda namin ni Ina ay kumita kami ng malaki rito kaysa Pililla, Rizal, lamang. Gumawa ako ng isang kariton, kahit maliit lamang ay mabigat rin ang naikakarga kong tinda ng aking Ina at sa sunong niyang bakol ang laman ay magaan na rin at sa tingin ko’y hindi siya gaanong hirap ng pagdadala; pag sumigaw ang Inang ko ng “Ayungin…bili na kayo riyan;” ay ganoon din ang isinisigaw ko. Hanggang Kahilom at sa Zamora Pandacan ay nakararating kami at duo’y marami kaming mga suki.

94. Datapuwa’t ng umuwi na kami sa Bayan ng Pililla, Rizal, ay paminsan-minsan na lamang magdala ng ayungin, hipon at ng iba pang paninda sa Otis. At ang dahilan ay upang masingil ang mga pautang ng Inang ko sa mga naturang lugad. Ngunit, ng ang mga ibang may utang ay wala na sa tinitirahan nila ay tumigil na rin ang aking Ina sa pagluwas sa Maynila.

95. Kaya balik na lamang ang aking Ina sa dati niyang hanap-buhay na pagtitinda sa Antipolo at mas maginhawa pa; pagkadala sa palengke, nagbabayad agad sila kaya lumalaki ang kanyang puhunan kasi “cash.”

96. Kaya lang sa panahong yao’y ang kinahumalingan ng Lilang Titay ko at aking Ina ay madalas na pagsimba sa araw-araw at may gabi pa; palibhasa’y manang ang Lilang ko’t kantora sa Iglesia Apostolica Romana naman ang aking Ina. Dahil ang Lilang ko’y aral pa sa panahon ng kastila taong 1875. Naka-abot na ang paaralan nila’y malapit sa kabalyaresa ng mga kabayo ng mga gwardiya civil; mabaho dahil sa dumi ng mga kabayo; na, ang lugad na ito’y katabi ng bakod na pader ng simbahang Romano, gawing Timog at ilog sa silangan. Sa mga gilid ng ilog may balite, mabulo at may mga puno ng kawayan papuntang Hulo o Hilaga. At

ang dating libingan sa kabilang ilog ang munting bundok gawing Silangan. At sa likod ng simbahan gawing Timog, libingan ng Intsik sa gawing Kanluran “Laguna Lake” at sa gitna nito’y kita ang Talim Island, siyang-siya ng bayan ng San Diego sa Noli Me Tangere ni Dr. Jose Rizal.

97. At ang itinuro sa kanilang palagian; sabi ng Lilang Titay ko’y puro dasal na kastila at dasal na wikang latin na di naman nila naiintindihan ang kahulugan niyaon. At paulit-ulit na rosario, sabagay mayroon din naman ng dasal sa wikang tagalog, bago mangumpisal sa pari’y nakaluhod sila sa kanya at sinasabi sa kanya ang ganito: “Ay ikaw naman Padre yayamang kahalili ka ni Kristo dito sa ibabaw ng lupa, kalagan mo ako, parusahan mo ako, siya nawa, Amen.” At nakaabot na sila ng “ikalawang grado” pero hindi sila tinuruang sumulat ng kahit hanggang sampo man lamang ng numero at puro paghalik sa kamay ng paring kastila ang itinuro sa kanila: sa umaga, tanghali at hapon.

98. Araw-araw ay pinangungumpisal silang mga batang mag-aaral ng mga guro nilang pari. At ang utos sa kanila na dadasalin pag nasa conficinario na (iba naman ang tema) “Ay ikaw naman padre, yayamang kahalili ka ng Diyos dito po sa ibabaw ng lupa; kalagan mo ako, parusahan mo ako, siya nawa.”

99. May alpabeto namang itinuro sa kanila; ngunit dagya na silang naturuan ng pag uugnay-ugnay nito o pagkakabit-kabit ng mga titik. Ang mahigpit na itinuro at ipinag-uutos sa kanila ay; pag namamasyal sa bayan ang mga paring kastila ay dapat silang lumuhod na lahat at halikan ang mga kamay ng mga paring iyon kahit mabaho at amoy tabako kahit pa nakaipit sa kamay nila ang tabako na malimit nilang ip-ipin. Sapagkat, kung gagawin namin ang gayon, sabi ng kanilang gurong pari ay malaking induluhensya sa ikapapatawad ng kanilang mga kasalanan. Kaya nga’t upang maging dapat sa Diyos, pag humalik sa kamay ng pari, ay tatakbo naman sila sa kabilang kanto at babantayan ulit ang pagdaan ng mga paring Kastilang iyon at nangakaluhod na silang lahat at muling hahalikan nila ang mga mababahong kamay ng mga paring iyon ng Iglesia Apostolica Romana.

100. At pag iniwasan nila o pag may umiwas sa pari maging bata at matanda na lumuhod at di humalik sa kamay nila ay nagagalit ang mga paring Kastilang ito at sinasabihan ang mga iyon ng: “DYABLO…! DIMONYO…!” o kaya’y “IREHE…! KARAMBA…!” sa malakas na tinig. Ganitong katindi ang ginawang pagsupil ng mga buwayang ito sa mga batang mag-aaral kahit sa mga mamamayan ng bayan ng Pililla, Rizal. Masyadong iniyuko ang loob at kaluluwa sa mga nagdiyusdiyusang mga prayle; na, dapat silang luhuran at halikan ang kanilang mga kamay ng mga tao, dahil sila’y mga ama ng kaluluwa at kahalili ng diyos sa ibabaw ng lupa. Kaya hindi kataka-takang maging manang o kaya’y puno ng mga matatandang magdadasal ang Lilang ko sa Iglesia Apostolica Romana at maging kantora naman ang aking Ina Maria Paz Libao sa relihiyong nabanggit. Dahil pag ang umaakay ay tungo sa hukay, ang inaakay at umaakay ay kapuwa nahuhulog sa kamalian.

101. Araw-araw na nila akong isinasama noon sa simbahang Iglesia Apostolica Romana. At sa gabi-gabi pa’y ang mag-ina na kapag di ako nakasagot sa pagrorosaryo nila, dahil sa antok na antok na ako ay kurot sa singit at hita ko ng Lilang Titay ko ang nagpapagising sa aking diwa. Kaya’t naging madasalin na rin ako gaya nila; hindi nga lang pagrorosaryo gaya nila; kundi, konting dasal lang ang siya kong sinasabi sa Panginoong Jesucristo, sa Birheng Maria at kay San Joseph at sa Ama ng Sanctisima Trinidad. Ang natutuhan ko sa kanila’y tatlong uri, Ama namin, Aba ginoong Maria at ang Gloria Patre.

102. At wala akong pinipiling lugad, basta’t naisipan kong tawagin sila, kahit kausapin ako ng sino mang tao ay di ko sinasagot basta’t nakikiusap ako at dumadalangin sa Panginoong Diyos na aking tinatawagan. Kaya sabi ng mga tao: “Angge baka masira ang ulo ng anak mo sa kadadasal.”

103. At minsan nga isang tanghali hindi ko malilimutan ng ako’y tumawag at manalangin sa Panginoong Diyos sa gitna ng krus na daan ng Felipe Paz St. at Gen. Luna St. Brgy. Takungan, Grade IV ako noon. At ganito po ang aking sinabi, samantalang nakatingala ako sa langit paharap sa Kanluran, “Kung totoo po iyon Panginoon kong Diyos ay ayaw ko po roon.”(Na itinuro ng aking hinlalaki ang simbahan ng Romano na abot tanaw lamang mula sa kinatatayuan ko.) at ng mga sandaling iyon ang nasa isip ko po’y ang madalas sabihin ng pari sa simbahan, ang dagat-dagatang apoy at kumukulong asupre na doon mapupunta, na pahihirapan magpakailan man at nanaitim sa isip ko ng mga sandaling iyon ang parusahan sa mga masasamang tao; na, sa purgatoryo ang pinakamababang parusahan na parang iniihaw pagkat sa ilalim na puro apoy ang nasa tapat nila. At sa pagrorosaryo namin ng Lilang Titay ko hindi lamang impiyerno, kundi; inuuod pa ang katawan, kaya gaano kayang kahirap ang gayon? At mababasa, lalo na sa “Pasyong Mahal ng Panginoong Jesucristo,” pag binabasa ko ay kilabot na kilabot ako ng mga sandaling iyon samantalang nakatingala ako sa langit, gawing kanluran. “Ang gusto ko po ay ako po ay sa Iyo; Hane po…!” (Pero naghihintay po ako ng sagot, ngunit ng mga sandaling iyon ay hindi po naman ako sinasagot ng Panginoong Diyos.) Nagpalakad-lakad ako ng banayad sa daan ding iyon at sinabi ko po sa Kanya: “Sabagay po Panginoon kong Diyos, hindi Mo po ako sinasagot pero; naniniwala po ako na ako’y Iyong naririnig. Basta po ang gusto ko po ay ako po ay sa Iyo… Hane po…! Panginoon kong Diyos. Sige po… maglalaro na po ako.”

104. Habang medyo palukso-lukso akong naglalaro at naglalakad pauwi na sa aming bahay; ay, naglaro sa isip ko ang tungkol sa baon ko sa iskwela pag may pasok ay di ko ginagasta; iniipon ko at kung araw ng Sabado at Linggo ay inihuhulog ko sa alkansya ng aking mga deboto, na sa harapan ng mga rebultong kahoy na iyon ay may kani-kaniyang alkansya, gaya ng mahal na Senyor na nakahiga sa kamarin ang Panginoong Jesus, sa mahal na birheng Maria at si San Joseph na pare-parehong hinuhulugan ko ng perang baon ko sa iskwela na di ko ginasta at inipon ko para sa aking mga deboto.

105. Na, pinipilit kong lagi noon na maaga kaming sumimba ng Lilang Titay ko, para di naman ako pagtinginanan ng mga tao sa pagluhod ko sa rebultong iyon at pag-ukulan ko sila ng tigsasampong Ama namin, aba ginoong Maria, Santa Mariang Ina ng Diyos at Gloria Patre; bago mag-hulog ako ng ipon kong pera sa kani-kanilang alkansya na parti-parti na sila doon.

106. Dahil akala ko po sa murang isip ko noon, ay iyon, o ganoon ang gusto ng Panginoong Diyos.

107. At ng dumating ako sa bahay namin na humigit-kumulang sa dalawang daang metro ang layo mula sa krus na daan ng Felipe Paz St. at Gen. Luna St. na pinagdasalan ko ay pitong manang na matatanda ang dinatnan ko sa bahay namin.

108. Na, ang Lilang ko ay mga dalawampung minutong naghahanap na pala sa akin at tawag ako ng mga sandaling iyon, mga ika-siyam ng umaga.

109. “Saan ka galing?” Ang tanong niya sa akin; “Naglaro po lang,” sagot ko sa kanya. At nagtanong uli ang Lilang ko; “Saan ka naglaro?” sagot; “Doon po sa Gitnang Bayan.” Tanong siya ulit, “Bakit malayo?” “Kasi po, pag dito ako naglaro sa malapit sa atin at nakita ako ni Herminio na anak ng Tya Angge na kapit-bahay natin e… lumalapit po at sinasaktan ako. Mabuti na po doon sa malayu-layo, madali ko siyang iwasan.”

110. “E… bakit po ninyo ako hinahanap?” ang tanong ko naman sa Lilang ko.

111. “May dasal tayo sa Hulo; sige tara na;” ang yaya niyang nagmamadali at kumilos na sa paglakad ang mga manang.

112. Ako’y nagbiro… “Lilang mayaman po ba ang pagdadasalan natin? Malaki po ba ang bahay nila?”

113. “Bakit ganyan ang tanong mo?” Ang nagtatakang tanong na nakatingin sa akin ang Lilang ko…!

114. “Kasi po pag mayaman, (ang sagot ko) ang ipinakakain sa atin, may bibingka, may puto, minsan may pansit pa at kaping may gatas.”

115. Nagkatawanan ang mga manang…! “Itong si Irineo, maraming sinasabi,” habang hawak ako sa kamay ng Lilang ko.

116. “Di po ba Lilang pag mahirap ang napagdadasalan natin, kape’t tinapay lamang ang ipinakakain sa atin?” ang ulit kong tanong.

17. “Itong batang ito, puwede rin namang hindi tayo pakainin basta maipagdasal lamang natin ang mga kaluluwa ng mga namatay nila, ay ayos na iyon sa atin. Hindi lamang tayo sa pagkain. Ito’y paglilingkod natin sa kapuwa tao at pagsagip sa mga kaluluwa,” ang pangaral ng Lilang ko.

118. Habang naglalakad noon ay nagtanong ako sa Lilang kong manang— “Lilang pag naipagdasal na po ba natin ang kaluluwa ng mga namatay ay naaalis po ba sila sa impiyerno o kaya’y sa purgatoryo?”

119. “Siyempre,” ang sagot ng Lilang ko, “kinakaawaan sila ng Panginoong Diyos, kaya nga ang tanging maitutulong nating mga buhay na tao sa mga namatay ay maipagdasal sila para matahimik ang kanilang mga kaluluwa at mahango sa purgatoryo, o kaya’y sa impiyerno, o sa dagat-dagatang apoy at kumukulong asupre. Di ba’t naririnig mo naman iyon sa sermon ng pari?”

120.  “E… bakit po pala-palagi at taun-taon nakapagdadasal kayo sa kanila at ngayon tinatawag na naman po kayo noong Galicana para ipagdasal ang kaluluwa ng kanilang mahal na magulang na namatay na? Sabi mo po Lilang nahango na sila sa impiyerno e… bakit po bumalik na naman po ba ang kaluluwa nila sa impiyerno? Di po ba’t napakainit sa purgatorio, lalo na sa dagat-dagatang apoy? Bakit naiyalis na ninyo sila roon, bumalik na naman? Mga tanga.”

  1. Hindi na sumagot ang Lilang ko, dahil lumipot na silang mga manang sa tarangkahan ng bahay na malaki. (Sa loob-loob ko’y nasabi ko sa sarili, mayaman pala ang pagdadasalan namin, malaki ang bahay sino kaya ang asawa ng Galicanang iyon?).

122. Pumanhik kami sa mataas nitong hagdan, tinanggap kami ng nakatira dito na masaya at pinapasok kami sa loob ng bahay; napakaluwag at nangingintab ang sahig na tabla, may kisame na malalapad na tabla at pati dingding ay malalapad ang tabla at may korte, magandang tignan; ang bubong ay bago ang mga yero at malayung-malayo sa hitsura ng bahay namin sa Barangay Takungan; bubong man ay yero ng bahay namin ay sunog na sunog naman; ang haligi ay balu-baluktot, mulawin kasi, ang dingding ng bahay namin sasag na buho at ang hagdan pipitong baytang maliit pa at kakaunti ang sahig na tabla; kaya lang, mas malaki ang luoban namin kaysa kanila, hindi gasinong malaki ang lupa nila, tabing ilog pa. Maaaring matibag pag malakas ang baha sa ilog.

123. Tinawag ng nakatira sa bahay na malaking ito ng Tiya Titay ang Lilang ko.

124. “Maupo muna kayo Tiya Titay” (Naisip ko may kamag-anak pala kaming mayaman).

125. At ilang sandali pa ay tinawag na kaming kumain. May suman na lagkitang nakabalot sa dahon ng saging, may tsokolate pang may gatas. Masarap din naman ang kain naming lahat at pagkatapos kumain, ay pumunta na kaming lahat sa harap ng altar at kinausap, ng Lilang ko ang lalaking may bahay.

126. “Mateo, ikaw ba ang magpapadasal?”

127. “Si Galicana po Tiya Titay,” ang sagot sa Lilang ko.

128. “E, bakit wala siya rito?”

129. “Pinagtiwala na po lamang sa aming mag-asawa, ni Galicana na asawa ni Juan.” Sagot ni Gg. Mateo sa Lilang ko.

130. “Sino naman ang ipagdadasal natin?” tanong ulit ng Lilang ko.

131. “Alberto Hebron po, Tya Titay ang Ama ng magkapatid na si Juan at nitong si Felisa.” Sagot ng tinanong.

132. Lumuhod na kaming lahat sa harap ng altar; na, sa pinakagitna nito’y nakaharap sa amin ang malaking larawan ng pinakadakilang Bayani ng Pilipinas na si Dr. Jose Rizal at Dakilang Supremo ng KATIPUNAN na si Gat. Andres Bonifacio. Na sa gawing ibabang kaliwa ng altar, nakapatong sa ibabaw ng aparador na hanggang baywang, ang larawan ng dalawang taong magkaagapay kapuwa nakasuot ng Amerkanang itim. Isa’y may hawak na dalawang libro sa kanang kamay at ang isa namang tao sa gawing kaliwa niya ay hawak sa dalawang kamay niya magkalapit sa puluhan na isang tungkod na itim na may kalupkup na pilak ang dakong itaas nito na parang hugpungan sa hawakan ng tungkod at may saklob na sumbrerong malapad ang ulo niya parang katipunero.

133. Sa gawing kanan naman sa itaas ng aparador kung nakaharap sa altar ay nakapatong ang munting rebulto ng mag-anak ng Panginoong Jesus, mahal na Birheng Maria at si San Joseph.

134. Namuno sa dasal na ito ng kaluluwa ang Lilang Titay ko at sumasagot ang mga manang at pati naman kaming mga bata ay nakisagot na rin ng maraming mga paulit-ulit.

135. Humigit-kumulang sa isang oras ang dasal na iyon bago natapos.

136. Lahat kami ay nakaupo na sa sahig na tabla habang nagpapahinga. Matagal-tagal din namang nakaluhod kaming lahat at palibhasa’y matatanda na silang lahat, ay di makatagal ng tuwid na luhod.

137. Sa harapang iyon ay may isang lalaking banayad magsalita, malamig ang tinig niya; hindi malaki ang tinig, hindi naman maliit, katamtaman at kainamang pakinggan, ganito ang kanyang sinabi:

138. “Tiya Titay” ang simula niya; “Ako po ay may sasabihin sa inyo.” Napatingin ang lahat sa nagsalita at sumagot ang Lilang ko: “Ano iyon Mateo?” ang sagot ng Lilang ko.

139. “Sa palagay ko po Tiya, iyong nasa Pasyong Mahal ng ating Panginoong Jesucristo na ng Siya’y saksakin ni Longino ng kanyang sibat sa tapat ng puso ay hindi ko maubos maisip ang totoo, Tiya Titay.”

  1. “Bakit? Alin ang totoo na hindi mo maisip?” tanong ng Lilang ko.

141. “Noong nasa Pasong Tamo, Quezon, City, po ako sa Templo Rizal, mga ganitong oras po ng tanghali ay tinawag po ako ng Itay. Noon po ay maraming mga tao sa Templo Rizal. Ang sabi Niya sa akin ay kamutan ko Siya ng likod at makati at itinaas naman agad ang kamiseta Niya at inilantad ang Kanyang likod habang ako’y lumalapit sa Kanya.”

142. “Sige… anak, kamutin mo ang likod ko… makati…!” At kamot naman agad ako ng kanang kamay ko sa likod ng Itay. “Dini anak sa gawing kanan ko,” at medyo nakalantad din ang kanan Niyang dibdib.

143. “Nakita ko po Tiya sa ilalim ng Kanyang kanang suso ay mayroong pilat na humigit-kumulang sa dalawang pulgada na;” na iminostra niya sa Lilang ko sa pamamagitan ng hintuturong kanan, kung gaanong kahaba ang pilat at ang luwang nito. “Tiya, lubug na lubog po ang hintuturong kanan kong ito hanggang dito po sa isang dali ng aking hintuturo at luwag ko pong sinalat-salat ng pabalik-balik… ay naisip kong walang taong gayon.”

144. “Nakapagtataka po si Itay; alam nyo po ba Tya Titay? Lahat ng tao roon ay Itay ang tawag sa Kanya at habang sinasalat-salat ko po ang kakaibang pilat na iyon, ay tunay pong napakanipis ang tumatakip sa maluwang na pilat na yaon, malaki at wala man lamang laman o buto ang nasalat ko; totoong napakanipis ng balat na sumasara sa butas ng dibdib.”

  1. “Kaya’t tinanong ko po ang Itay. Ano po itong pilat na ito, Itay?”

146. “Aray…!” Ang sagot ni Itay; tulo agad ang luha ni Itay, umiiyak. “Hindi mo ba alam ito Mateo…? Ito ang sinaksak sa aking kanang dibdib ng sibat ni Longino; habang itong mundong ito’y mundo, hindi ito mawawala sa akin, ito ang tanda na ipaniningil ko sa mga iscribas at fareseyos.” ang sagot sa akin ni Itay.

147. “Mawalang galang po, puwede po bang makapagtanong,” nagtanong akong hindi nakatiis na basta makinig lamang.

148. “Oo,” ang sagot niya agad sa akin.

149. “Totoo po ba iyon? Nakita po ba ninyo?”

150. Inagad niya ng sagot… “Oo, nahipo ko pa.”

151. “Napakasuwerte po ninyo! Ano po ang pangalan Niya?” ang ulit ko.

152. Itinuro niya sa akin iyong larawang may dalawang taong nakatayo at nakasuot ng Amerkanang itim. “Nakikita mo ba iyong may hawak ng dalawang libro na Noli Me Tangere at El Felibusterismo sa kanang kamay Niya?”

153. “Opo,” ang sagot ko agad sa kanya.

154. “Ang pangalan Niya ay Kgg. Supremo, ANGEL LORENZO. At nababasa mo ba ang malaking titik na iyan?”

155. “Opo, KALK, LBL, ang pitong malaking titik na iyon po.”

156. “Ano ang kahulugan ng mga titik na iyan?” ang ulit niya.

157. “Hindi ko po alam, ngayon ko po lamang nakita iyan at ngayon ko po lamang kayo nakausap.”

158. Kaya’t siya rin ang nagsabi sa akin ng kahulugan niyaon; “Ang kahulugan niyan ay KAPATIRAN, ANG LITAW NA KATALINUHAN, LOHIYA BUKANG LIWAYWAY. Iyan ang pangalan ng Samahang itinatag Niya; na, itinuro ko sayo ang Itay.” Ito ang sagot sa akin at paliwanag ni Gg. Mateo.

159. Naisipan kong muling magtanong sa kanya: “E… mawalang galang po, puwede pa po bang magtanong ulit?”

160. “Sige magtanong ka,” ang sagot niya.

161. “Bakit po nasa altar ninyo iyang larawan ni Dr. Jose Rizal at ni Gat. Andres Bonifacio? Altar po ba itong pinagdasalan natin?”

162. “Aba…! Ay… Oo, ano bang bata ito? Di ba’t dito tayo nagdasal? Bakit ganyan ang tanong mo sa akin?”

163. “Huwag po sana kayong magagalit sa akin,” ang banayad kong sagot sa kanya. “Kasi po doon sa amin sa simbahan ng Romano, ang nasa altar po ay ang rebulto ng Panginoong Jesus, Birhen Maria at asawa niyang si San Joseph at marami pa silang iba’t-ibang santo.”

164. “Alam mo, ang sabi sa amin ng Itay,” ang sagot niyang nakangiti at itinuro niya ulit sa akin ang nasa larawang may hawak na dalawang libro na Noli Metangere at El Felibusterismo; “Iyang si Dr. Jose Rizal at ang Panginoong Jesucristo ay iisang tao na nag-ibang anyo lamang, ng isugo ng Ama Niyang Diyos sa Kapuluang Pilipinas. Ang Kgg. Itay, Angel Lorenzo ang nagpatotoo niyan na iisa ang Panginoong Jesus at si Dr. Jose Rizal.”

165. “Kaya po pala napakarunong at Siyang pinakadakilang bayani sa Kapuluang Pilipinas, iyon pala’y iisa Silang dalawa ng Panginoong Jesucristo.”

166. Ako naman ang kanyang tinanong ulit; “Kilala mo ba iyang si Dr. Jose Rizal?”

167. Ang sagot ko sa kanya: “Kilalang-kilala ko po si Dr. Jose Rizal; pinag-aaralan po namin Siya sa Grade IV. Siya po ang pinakamarunong na tao sa Pilipinas at sa buong Mundo. Siya po ang pinakamatuwid at dakila kaya ginawang numero unong Bayani sa buong Pilipinas.”

168. Tinanong niya ako; “Ano na ang grade mo?”

169. “Grade IV po…, kaya po pala Siya napakarunong ay Siya rin po pala ang Panginoong Jesucristo, ano po? Wala po Siyang kaparis, sabi po ng teacher namin ang nangunguna sa lahat ng henyo sa lahat ng bansa sa lupa ay Siya at lahat po ng wika ay alam Niya.”

170. Natuwa ang pamangkin ng Lilang Titay ko at tuwang-tuwa rin naman ako ng mga sandaling iyon.

171. Umipod ako sa tabi ng Lilang ko ng bahagya at binulungan ko siya: “Lilang bakit po Tiya ang tawag niya sa iyo? Kamag-anak po ba natin siya?”

172. “Oo,” ang sagot ng Lilang ko; “ang pangalan ng Ama ni Mateo ay Zacarias Lozano; kapatid ng aking Amang Pedro Lozano; ang pinakapanganay sa lahat at sila ay maraming magkakapatid.”

173. “Ano po kaya Lilang ang itatawag ko sa kanya?”

174. At nagtanong ang Lilang ko sa kanya; “Mateo, kuya ba ang dapat itawag sa iyo ni Irineo?”

175. Ang sagot sa Lilang ko ay; “Tiyo na po lamang Tiya Titay, dahil siya po pala’y anak ni Maria.”

176. Kaya lumapit ako ng bahagya sa kanya at sinabi ko; “Tiyo ko po pala kayo, ang galing po ninyong magsalita…, e…. Tiyo puwede po bang pumarito ako sa inyong palagi?”

177. At tinanong niya ako kung “Bakit?”

178. “Kasi po gusto ko kung maaari ay kwentuhan po ninyo ako ng marami tungkol po duon sa sinasabi mo pong Itay, ANGEL LORENZO, payag po ba kayo?”

179. Nakangiti at masaya siyang sumagot sa akin ng “Oo”, may tango pa.

180. Maya-maya pa’y nagpaalam na ang mga matatandang manang at sabi nila’y, “Mateo, Felisa aalis na kami” gayon din, ang Lilang ko ay nagpaalam sa kanila.

181. At ito po naman ang sabi ko sa kanya: “Sige po Tiyo, maraming salamat po, aalis na kami.”

182. At nanaog na kaming mga magdadasal.

-Tapos-

Share on facebook
Share on twitter
Share on linkedin
Share on google
Share on pinterest
Share on reddit
Share on mix

Leave a Comment