“SAAN TUMAGOS ANG SAKSAK NI LONGINO?”
KABANATA
(2)
1. Umuwi na sa kani-kanilang bahay ang mga manang at kami man ng Lilang ko ng dumating sa amin ay nakapagluto na ng tanghalian ang aking Ina at kaming mag-anak ay kumain na rin.
2. Nang panahong ito sa Barangay Takungan, Pililla, Rizal, ang mga may gawaan ng takong ay lima. Si Cresencio Dikit, Domingo Castejon, Ihil Anievas, Angel Aliwalas at Gg. Tomas Aliwalas.
- Dito sa huli, nagtrabaho ulit ang Inang ko ng pagkakalis ng takong at ako nama’y taga pagkatam ng mga takong ng “step–in” ng mga babae at maghiwas ng mga takong; palibhasa’y katutubo namang taga-Barangay Takungan kami at marami sa lugad namin ay itong hanap-buhay na ito ay isa sa mga gawain na popular sa bayan ng Pililla, Rizal at ang Ama ko naman at Tyo Peto’y “Manager” din sa gawaan ng takong noong maliit pa akong bata.
4. At pag nahusto na ang mga nayaring pididong takong ay iluluwas na sa Binyang Laguna at pag naidiliber na sa mga suki, nagbabayad naman sila agad; iilan lamang naman ang makunat magbayad. At di ito maiiwasan dahil hindi pa rin sila nakasisingil sa mga pinagdalhan nilang suki. Ngunit, pag nakasingil na naman ay binabayaran na kami ng may pagawaan kinabukasan din. Sa hanap-buhay na ito ay kailangan ang sipag at tiyaga sa mga pagpupuyat gabi-gabi.
5. Gayunman, ay nakababali rin sa kanila kaming mga manggagawa ng takong; iyan ang kaugalian ng lahat ng pagawaan sa kanilang mga manggagawa pag nagigipit dito sa Barangay Takungan.
6. Ngunit, mula noong 1945, Grade IV ako noon at sa dasala’y nakilala ko si Gg. Mateo Lozano, na siya pala’y Tiyo ko sa pinsan at marinig ang tunay na karanasang sinabi niyang Kagalanggalang “Itay, ANGEL LORENZO” ay palagi na siya ang laman ng aking isipan. Na, sa lahat ng tunay na pangyayaring narinig ko; ay hindi kathang isip lang noong mga kuwentista; sapagkat, sabi niya yao’y kita niya, nakausap niya, nahipo pa ang kakaibang pilat sa dibdib na kanan sa ilalim ng suso; na, si Longino ang sumaksak noon at nakapiling pa nila at tunay, marami sila roong nakakita, nakasaksi at nakarinig. Kaya’t hindi ko ipinag-walang bahala ang napakagandang kapalaran sa buhay ko ang pagkatagpo ko sa Tiyo Mateo at Tiya Felisa. Naisip kong yao’y di gaya ng mga kuwento ng matatanda na pinagdarayo naming mga bata; gaya ng Don Juan Tinyuso, Jaime Del Prado, Siete Infantes De Lara, Monico and the Giant, Ibong Adarna, Reyna Matea at marami pang iba na kathang isip ng mga kwentista. Pati iyong si Aladin at mahiwagang lampara.
7. Yao’y isang katotohanan na ang napakahiwaga roon ay bakit nasa ilalim ng susong kanan ang pilat at di sa kaliwa? Di ba’t sinasabi na ang Banal na Kristo ng Diyos na Kataas-taasan ay bugtong na Anak ng Diyos? Na, napakamahal sa Kanya? Kaya’t ayon sa Panginoong Jesus ay Siya’y nasa kanang luklukan ng Diyos at kalung-kalong ng Amang Diyos at posibleng ang pagkasaksak ni Longino sa kaliwang dibdib ng Anak ay tumagos din sa Kanyang Amang Diyos na kasama ng Anak: kaya nga’t yao’y tagos hanggang kanang dibdib ng Ktt. Ama Niyang Diyos. Dahil ang Anak ay lumuluklok sa kanang sinapupunan ng Amang Diyos Niyang Kataas-taasan; kaya nagkagusto akong dinggin ang napakasuwerting tao na gaya ni Gg. Mateo Lozano na parang isa sa mga apostol ng Panginoong Jesus na Kristo ng bansang Israel.
8. Mulang ako’y magka-isip ay iminulat na ako ng Lilang ko sa kasisimba sa simbahan ng mga taga-Iglesia Apostolica Romana. At madalas kong marinig sa kanya ang mga isinisermon ng paring catolico; kaya nga’t ganito ang mga pangaral ng aking Lilang Titay.
9. “Irineo, tandaan mo, ang buhay natin dito sa ibabaw ng lupa ay gaya ng isang nandarayuhan lamang; kahit sinong tao ay ganoon, mayroon tayong tunay na tirahan na ginawa ng Panginoong Diyos para sa tao sa kabilang buhay. Doon hindi na mamamatay ang mga tao; dahil ang mga taong namatay dito sa lupa, darating ang araw ay bubuhaying muli ng Panginoong Diyos at doon sa pirming bayan at tahanan nila na inilaan sila ilalagay ng Diyos na Makapangyarihan sa lahat.
10. “Kaya ang maipangangaral ko sayo Irineo ay magpapakabait ka sana, maging masunurin sa magulang at mabait sa matatanda at huwag kang gagawa ng masama. Tatawag kang palagi sa Panginoong Diyos na Makapangyarihan sa lahat at sa Kanyang Anak, ang Panginoong Jesucristo; para pag binuhay na Nila ulit ang mga tao ay ilagay Nila tayo sa Bayan Nilang Paraiso, o kaya’y sa Gloria ng langit.”
11. Nang araw ding itong ako ay isama ng Lilang Titay ko sa dasalan, pagkakain ng tanghalian ay tinapos ko agad ang ginawa ko noong pagkakatam ng takong na “step-in” at walang paalam ay pumunta na agad ako sa bahay ng Tiyo ko, tumawag ako sa kanya at pinatuloy naman ako, humigit-kumulang ay mga ikaapat na ng hapon.
12. Tinanong niya ako kung ano ang sadya ko sa kanya at sinabi kong, “Di po ba’t sabi ko sa inyo kanina ay paririto ako sa inyong palagi? Dahil gusto ko pong makarinig ng maraming bagay tungkol po sa sinabi mong Kgg. Itay, Angel Lorenzo at pumayag po naman kayo; sabi mo po’y Oo, may tango na, ay nakangiti pa po kayo? Kaya narito po ako ngayon sayo,” nakangiti ako habang nagsasalita ako sa kanya at natuwa naman siya.
13. Nadatnan ko siyang gumagawa ng gulong ng karo ng poon ng mga Romano, sapagkat siya pala’y karpentero. At dahil sa akin, kahit bata lamang ako’y tumigil siya sa paglalagari at naupo sa isang kaputol na kahoy at nagtanong siya kung ano ang gusto kong malaman. Kaya’t sinagot ko siya ng ganito: “Tiyo kung maaari po sana ay ikuwento ninyo sa akin kung paano kayo unang nagkita at nagkakilala ng sinabi mo pong Kagalanggalang Itay, Angel Lorenzo.”
14. Sumaya ang mukha ng Tyo Tiyong at malugod na nagsalita; “Alam mo Irineo, noong taong 1934, ako ay naglalakad sa gilid ng daang Zamora, Pandacan, Maynila. At mayroon akong nakasalubong na isang tao na di ko kilala; ngunit, binati Niya ako ng ganito; -Mateo anak, kamusta ka na…! Pupunta ka sa iyong kapatid na si Armohina sa daang Antonio Rivera, Tondo, Maynila ano? – na Siya’y nakangiti sa akin.”
15. “Nagulat ako at ako’y labis na nagtaka. Kaya’t tinanong ko Siya; -Paano po ninyo ako nakilala? – (Pormal Siya at seryosong-seryoso, ngunit nakangiting sumagot:) -Mateo anak, walang nalilingid sa akin, lahat-lahat alam ko; katunayan, nakikita kitang palagi, hindi mo naman ako nakikita; may bahay na kubo ka rito sa Pandacan na iyong ginawa at kayong mag-ina lamang ang nakatira roon. Kilala ko rin ang mga kapatid mo nasa Pililla, Rizal, ang kapatid mong panganay, Simpilicio Lozano, Francisco Lozano at si Hospicio Lozano, nagkaasawa ng taga-Laguna at ikaw ang sumunod at ang bunso ay si Armohina. At katunayan nga ay pupunta ka ngayon sa kanya, pagkagaling mo roon ay pupunta ka naman sa kaibigan mo sa Binondo, Maynila, doon sa kaibigan mong manggagamot sa kulam, ano hindi ba totoo? Gusto mo ring manggamot gaya niya?
16. “Nagtanong ulit ako sa Kanya ng ganito; paano po Ninyo nalaman at ako’y nakilala? Hindi ko po Kayo kilala. Nakapagtataka po, Kayo po’y ngayon ko po lamang nakita.”
17. “Hindi mo ba narinig ang sinabi ko sayo kanina? Walang nalilingid sa akin. Katunayan nga ang pangalan ng Ama mo ay Zacarias at ikaw Mateo, kaya narito ka sa Maynila, ay nagtatrabaho kang mekaniko ng Companya ng makinang Singer ng Hapon.”
18. Inisa-isa ang pangalan ng aking mga kapatid, pati aking Ama’t Ina. Talagang hangang-hanga ako sa kanya; Irineo, inisip ko ng mga sandaling iyon ay mas magaling itong kausap kong ito kaysa roon sa kaibigan kong manggagamot sa kulam; dahil napakatalino Niya, marunong at alam ang lahat ng mga bagay. Wala Siyang katulad sa lahat ng mga taong nakausap ko; kaya’t naisip ko ng mga sandaling iyon ay nakapanghihinayang kung magkakahiwalay kaming hindi ko man lamang naalaman kung saan Siya nakatira.
19. Dahil dito, nahihiya man ako sa kanya ay tinanong ko siya ulit; “Huwag po Kayong magagalit..! Maaari po bang malaman ko ang Iyong pangalan at tirahan?”
20. Sinagot naman Niya ako ng ganito; “Mateo anak, walang nalilingid sa akin, lahat alam ko…! Hindi mo ba ako naiintindihan? Tatlong beses na kitang sinagot a…! Halika anak, may ipapakita ako sa iyo;” niyakag Niya ako at inakbayan Niya ako sa aking balikat, pumasok kami sa barberyang iyon at humarap kaming dalawa sa salamin at nagtaka ako sa nakita ko.
21. Tinanong Niya ako; “Mateo anak, ano ang masasabi mo sa iyong nakikita ngayon?” At ako’y sumagot sa Kanya; “Aba…! Para po tayong magkamukha.”
22. Agad Siyang nagsalita; “Hindi lamang tayo magkamukha… parang biniyak na bunga; mag-kasing katawan na, ay magkasintaas pa tayo di ba?” “Oo nga po,” ang sagot ko naman.
23. Muling pumasok sa isip ko na baka magkahiwalay kami ay hindi ko man lamang malaman ang pangalan Niya at tirahan, ay napaka-sayang…! At sa isip ko naman ako nagtanong; ano kaya ang ibig Niyang sabihin na, “Walang nalilingid sa akin, lahat-lahat ay alam ko?” Ano kaya ang ibig sabihin ng gayon? Di ba Diyos lamang ang gayon? Pero, dapat malaman ko kung saan Siya nakatira at bakit anak ang tawag Niya sa akin?
24. Kaya’t nahihiya man ako’y muli akong nagtanong sa Kanya ng lakas loob na may halong pakiki-usap; “Maaari po bang mag magandang loob Kayo sa akin na malaman ko ang Inyo pong tirahan?”
25. “Bakit Mateo, gusto mong pumunta sa akin?” Ang sagot Niyang nakangiti. “Gusto ko pong pumunta sa ‘Yo sa Linggo, kung payag po Kayo.”
26. “Sige anak, hihintayin kita sa Templo Rizal.” Ang sagot Niya sa akin; “Sumakay ka sa biyaheng Monumento, bumaba ka sa kanto ng Congressional Road at sumakay ka sa karetela na nakaparada doon, sabihin mo lamang sa kutsero; na sa Tandang Sora ka ibaba tapat ng Templo, Rizal, doon ako nakatira. Ang bilin ko lamang sayo anak, pagpunta mo sa akin diretso lang sa akin ha… walang daan-daan sa kung saan; mag-iingat ka anak…!” “Opo,” ang sagot ko na tuwang-tuwa ako, “Salamat po…!”
27. At sinabi pa Niya sa akin; “Sige anak aalis na ako.” At Siya’y umalis, na nakalingat lang ako ng sandaling-sandali ay mabilis Siyang nawala sa aking paningin at hinanap-hanap ko ay talagang biglang nawala. Nang umagang iyon ay naghiwalay kami; kaya’t sumakay na ako sa jeep at pumunta ako sa kapatid kong si Armohina na sa daang Antonio Rivera, Tondo Manila, nakatira.
28. Silang mag-asawa ng bayaw kong Gregorio Zorbeto ang una kong binalitaan ng buong pangyayari ng pagkatagpo sa mahiwagang taong iyon na kamukhang kamukha ko. Na, para bang talagang ako lamang ang pinuntahan ng taong mahiwaga at pagkatapos ng pag-uusap namin, Siya’y nagpaalam sa akin, ay bigla na lamang nawala sa aking paningin.
29. Sinabi sa akin ng kapatid ko’t bayaw ay: “Huwag ang hindi ka pumunta sa Kanya sa lugad na itinuro sayo noong tao, baka may magandang dalang kapalaran sa iyo.”
30. Pagkatapos ng pag-uusap naming tatlo, ay nagpaalam na rin ako sa kanilang mag-asawa at tumuloy ako sa Binondo, San Nicolas, sa kaibigan kong manggagamot sa kulam. Dumating ako sa kanya na naghahasa ng tulis ng baretang bakal at matapos patulisin niya ang dulo ng matulis na matulis, ay pinaki-usapan akong isaksak ko ang dulo ng baretang iyon sa kanyang tiyan; pero nagpakatanggi-tanggi ako, sabi ko sa kanya; “Huwag po…! Baka po mamatay kayo.”
31. “Hindi,” ang sagot niya. “Subukan mo kaibigan, sige, huwag kang matakot…!”
32. Ng ayaw kong sumunod, ay nakita kong ubos lakas na isinaksak niya ang bareta na ang dulo ng baretang iyon ay pinatama sa gitna ng kanyang tiyan; na sa kabiglaan ko’y napasigaw ako ng; “Naku po!!!” Tinignan ko agad ang tiyan niya at kitang-kita kong namuti ang sinaksak na bahagi ng tiyan niya, di nasugatan o nagalusan man lamang.
33. Tinanong ko siya; “Nasaktan po ba kayo?” Ipinakita niya sa akin ang kanyang tiyan; “O… tignan mo, ni hindi man lamang ako nagalusan, wala akong naramdamang sakit kamunti man.”
34. “Sige, ikaw naman kaibigan Teyong, saksakin mo ang tiyan ko ng baretang ito” at tuloy iniyabot niya sa kamay ko. Hindi ako nakatanggi, banayad kong hinawakan at natawa siya sa akin. Kaya, sinunod ko siya at sinaksak ko ng banayad, natawa siya…! “Talagang itong si kaibigang Teyong, ilakas mo…!” ang sigaw niya. “Huwag kang matakot.” Inilakas ko naman, pero lalo akong nagtaka, iyong unang saksak ko sa tiyan niya’y namuti ang tinamaan ng napakatulis na dulo ng baretang yaon, pero nang tignan ko sa bilang na ikalawa ng pagsaksak kong talagang malakas sa tiyan niya ay hindi man lamang niya ininda at hindi man lamang nasaktan at kita ko na lalong namuti ng higit kaysa nauna.
35. “Tara na kaibigang Teyong, samahan mo ako;” sumunod naman ako sa kanya kahit hindi ko alam kung saan kami pupunta. Kaya, nagtanong ako sa kanya ng banayad; “E… saan po tayo pupunta?” Sinagot naman niya ako ng banayad; na, “Mayroon akong pasyente na gagamutin na kinukulam ng apat na mga salbaheng lalaki, ngayon kami magkakaintindihan.”
36. “Kaibigan, kung ano man ang mangyari na makikita mo, huwag kang makikialam, manood ka na lang…” “Opo,” ang sagot ko naman.
37. Lumakad na kaming dalawa at dumating kami sa bahay ng maysakit na sabi niya’y kinukulam, ngunit tahimik at normal ng datnan namin.
38. “Natakot ang mga salbaheng iyon, kung naging matigas ang ulo nila, makikita mo kaibigang Teyong ang gagawin ko sa kanila, sa apat na iyon.”
39. Kaya nakauwi kami ng tahimik at wala namang gulong nangyari; sumama ako hanggang sa bahay niya, inihatid ko at pagkatapos ng mga kwentuhan namin ay nagpaalam na ako sa kanya.
40. Samantalang isinalaysay niya sa akin ang buong pangyayari, ay nakita kong nakangiti ang Tiyo Mateo at ganito ang kanyang sinabi; “Alam mo Irineo, totoo, ito ang pinaka-masarap sa lahat; palaisipang hindi ko malilimutan! Nang dumating ang araw ng Linggo, madaling araw pa lamang ay gising na ako. Nagluto ako ng maaga at kumain; pagkatapos noon, ay naligo at nagbihis ako at pagkatapos kong magbihis, ay nagpaalam na ako sa aking Ina, na may pupuntahan lamang ako at huwag niya akong hihintaying makauwi ng maaga.”
41. “Sumakay ako ng jeep mula Zamora, Pandacan, papuntang Quiapo at ng dumating ako rito, ay bumaba na ako sa jeep at nagsimba muna ako sa simbahan ng Iglesia Apostolica Romana at pagkatapos kong magdasal ay tumuloy na ako, nagkurus sa noo hanggang sa buong katawan at lumabas na ako ng simbahang naturan.”
42. “Sumakay ako sa biyaheng Blumentrit, papuntang Monumento. At pagdating ko sa Congressional Road ay bumaba na ako at pinuntahan ko ang nangakapilang karetela sa gilid ng nasabing daan. Kinausap ko ang unang kutsero at inalam ko sa kanya kung puwede niyang ihatid ako sa Tandang Sora, Pasong Tamo, KALK, LBL, Templo, Rizal, Quezon City.” “Opo, alam ko po, sige po sakay na kayo”. Bilis-bilis akong sumakay sa karetela at ako’y naupo sa hulihan ng karetelang yaon at habang tumatakbo ang kabayo ay naisip ko na marahil ay hinihintay na ako ng lalaking nakausap sa gilid ng daang Zamora, Pandacan, Manila. Dahil sabi niyang huli sa akin, (Sige hihintayin kita) at yao’y ito ngang araw ng Linggo. Nangingiti pa ako ng tumigil na ang nasabing karetela na sinakyan ko at nagsalita ang kutsero; hayun po…! ang Templo, Rizal, sabay turo niya at lumingon sa akin, puwede na po kayong bumaba rito. Nagbayad ako ng upa sa karetela at bumaba na ako at tinanaw ko ang Templong sinasabi.”
43. “Nakita kong karaniwang bahay lamang na medyo pahaba na yari sa tabla. Ang akala ko, pag sinabing Templo, ay yari sa bato, bakal at sementong concreto. Lumapit ako at nabasa kong sa itaas ng pinto ay may nakasulat sa malaking titik na KALK TEMPLO RIZAL. Maluwang naman sa ibaba ng Templong iyon at nagulat ako ng makita kong maraming mga tao sa loob at nangakaluhod at sinilip ko sa dakong unahan nila ay may taong nakatayo at nagsasalita at namukhaan kong yaon ang taong nakasalubong ko sa daang Zamora, Pandacan, Manila at nakausap.”
44. Lumapit ako at lumuhod na rin ako sa Kanya; ngunit nakita kong nakatingin Siya sa akin na galit. “Tinamaang bagkat ka Mateo; tatawagin mo lamang ako, pumasok ka pa sa loob ng simbahan ng Quiapo at doon mo pa ako tinawag. Huwag mo ng uulitin! Paririto ka naman at ako’y makakausap mo; di ba’t sinabi ko sa iyo bago tayo naghiwalay; ibig ko pag pupunta ka sa akin diretso lang walang daan-daan at mag-iingat ka? Huwag mo ng uulitin Mateo;” na, medyo pasigaw ang boses at galit.
45. Kaya’t nangatuwiran ako sa Kanya sa mababang tinig. “Ako po nama’y nagdasal lamang at tumawag sa Panginoong Diyos.”
46. “Mateo, hindi mo ba narinig ang aking sinabi; tatawagin mo lamang ako ay pumasok ka pa sa simbahan ng Quiapo at duon mo pa ako tinawag…! Mateo, huwag mo ng uulitin…!”
47. Napawalang kibo ako at inisip ko puwede kayang Siya ang Diyos na Makapangyarihan sa lahat na tinatawagan ko? Di ba’t sinabi sa Biblia, walang sino mang buhay na taong makakakita sa Diyos at nabuhay? Siya raw ay Ispiritu, pero puwede palang Siya ay magkatawang-tao, kahanga-hanga.
48. Samantalang ako ay nagmumuni-muni ay may babaeng nagtanong; “E… Itay, ano po namang masama sa ginawa niyong tao, na bagama’t sumimba e, Panginoong Diyos din po naman ang tinawag?” At alam mo ba Irineo? Ganito ang sagot sa kanya ng Itay.
49. “Hindi ba ninyo nalalaman na ang nagtayo ng simbahang iyan ay mga Kastila; na, mga Pilipino pa ang binusabos at labis na pinagmalupitan? Di ba’t sila’y pawang mga taga-Iglesia Apostolica Romana? Na binubuo ng pitong Orden; mga Romana, Franciscano, Dominicano, Jesuitas, Agustino, Italyano at mga English; mga circular at regular. Na, sila ang nagpapatay sa inyong Amang Dr. Jose Rizal?”
50. “Sino mga anak ang nagpapatay sa Inyong Amang Dr. Jose Rizal? Di ba’t sila at sila rin ang nagtatag ng mga simbahan dito sa Pilipinas?”
51. “Sumagot kayo mga anak.” Sumagot namang lahat ay halos sabay-sabay na; “Opo, Itay.” “At sa Israel mga anak, sino naman ang nagpapatay sa inyong Panginoong Jesucristo? Di ba’t sila rin mga anak? Paano mga anak kung lumindol at nabaak ang cemento ng Templo, napiraso at nabagsakan kayo roon at kayo’y nangamatay? Paano ko kayo maililigtas? Di ba ninyo alam na galit ako sa kanila?”
52. (Ayon naman sa aking kabiyak na si Rose, Rosalinda R. Ramos, ang Nanay niya, Asuncion Regalado Ramos, palibhasa’y dito na nagkaasawa sa San Nicolas Binondo, Manila. At ang kabiyak kong si Rose ay dito rin sa Maynila ipinanganak at lumaki hanggang sa siya’y maging kabiyak ng aking puso; ay ang Nanay niya ang nagsalaysay sa kanya noong siya’y bata pa. Mga taong 1934, ang Nanay niya ay napakahilig sumimba sa “Binondo Church,” at minsan isang araw ng Linggo ay nakapalya siya aynanghilakbot, sapagkat ng araw na yaon ay bumagsak ang Binondo Church, dahil nagkaroon ng napakalakas na lindol at kalahati ng mga tao sa simbahan ng Binondo Church, iyon ay nangamatay agad at ang marami ay mga sugatan.)
-Tapos-